28:1At ilapit mo sa iyo si Aarong iyong kapatid at ang kaniyang mga anak na kasama niya, mula sa gitna ng mga anak ni Israel, upang makapangasiwa sa akin sa katungkulang saserdote, si Aaron, si Nadab at si Abiu, si Eleazar at si Ithamar, na mga anak ni Aaron.
28:2At igagawa mo ng mga banal na kasuutan si Aarong iyong kapatid sa ikaluluwalhati at ikagaganda.
28:3At iyong sasalitain sa lahat ng matalino, na aking pinagpupuspos ng diwa ng karunungan, na kanilang gawin ang kasuutan ni Aaron, upang siya'y italaga, na siya'y makapangasiwa sa akin sa katungkulang saserdote.
28:4At ito ang mga kasuutang kanilang gagawin; isang pektoral, at isang epod, at isang balabal, at isang tunika na tinahing guhitguhit na naaanyong pariparisukat, isang mitra at isang pamigkis: at kanilang igagawa ng mga banal na kasuutan si Aarong iyong kapatid, at ang kaniyang mga anak, upang makapangasiwa sa akin sa katungkulang saserdote.
28:5At kukuha sila ng ginto, at ng kayong bughaw, at ng kulay-ube, at ng pula, at ng lino.
28:6At kanilang gagawin ang epod na ginto, at kayong bughaw, at kulay-ube, pula, at linong pinili, na yari ng bihasang mangbuburda.
28:7Magkakaroon ng dalawang pangbalikat na nagkakasugpong sa dalawang dulo niyaon; upang magkasugpong.
28:8At ang mainam na pagkayaring pamigkis na nasa ibabaw ng epod upang ibigkis, ay gagawing gaya ng pagkayari ng epod at kaputol, na ginto, kayong bughaw, at kulay-ube, at pula, at linong pinili.
28:9At kukuha ka ng dalawang batong onix, at iyong iuukit na limbag sa ibabaw ng mga yaon ang mga pangalan ng mga anak ni Israel:
28:10Anim sa kanilang mga pangalan ay sa isang bato, at ang mga pangalan ng anim na natitira ay sa isang bato, ayon sa kanilang kapanganakan.
28:11Nayari ng manguukit sa bato, na gaya ng ukit ng isang panatak, iyong iuukit sa dalawang bato, ayon sa mga pangalan ng mga anak ni Israel: iyong gagawing napamumutihan ng mga kalupkop na ginto.
28:12At iyong ilalagay ang dalawang bato sa ibabaw ng pangbalikat ng epod, upang maging mga batong pinakaalaala sa ikagagaling ng mga anak ni Israel: at papasanin ni Aaron ang kanilang mga pangalan sa harap ng Panginoon, sa ibabaw ng kaniyang dalawang balikat, na pinakaalaala.
28:13At gagawa ka ng mga kalupkop na ginto:
28:14At ng dalawang tanikalang taganas na ginto; parang pisi iyong gagawin na yaring pinili: at iyong ilalapat sa mga kalupkop ang mga tanikalang pinili.
28:15At gagawin mo ang pektoral ng kahatulan, na gawa ng bihasang manggagawa; na gaya ng pagkayari ng epod iyong gagawin; gagawin mo na ginto, na bughaw, at kulay-ube, at pula, at linong pinili.
28:16Gagawing parisukat at nakatiklop; isang dangkal magkakaroon ang haba niyaon, at isang dangkal ang luwang niyaon.
28:17At iyong kakalupkupan ng mga kalupkop na mga bato, apat na hanay na bato: isang hanay na sardio, topacio, at karbungko ang magiging unang hanay;
28:18At ang ikalawang hanay, ay isang esmeralda, isang zapiro, at isang diamante;
28:19At ang ikatlong hanay ay isang hasinto, isang agata, at isang amatista;
28:20At ang ikaapat na hanay ay isang berilo, isang onix, at isang haspe: pawang pamumutihan ng ginto sa kanilang mga kalupkop.
28:21At ang mga bato ay iaayos sa mga pangalan ng mga anak ni Israel; labingdalawa, ayon sa mga pangalan nila; gaya ng ukit ng isang panatak, bawa't isa'y ayon sa kanilang pangalan, na magiging ukol sa labing dalawang lipi.
28:22At gagawa ka sa ibabaw ng pektoral ng mga tanikalang parang pisi, yaring pinili, na taganas na ginto.
28:23At igagawa mo ang ibabaw ng pektoral ng dalawang singsing na ginto, at ilalagay mo ang dalawang singsing sa dalawang sulok ng itaas ng pektoral.
28:24At inyong ilalagay ang dalawang pinising tanikalang ginto sa dalawang singsing sa mga sulok ng pektoral.
28:25At ang dalawang dulo ng dalawang tanikala ng pinili ay iyong ilalapat sa dalawang kalupkop, at iyong mga ilalagay sa mga pangbalikat ng epod, sa harapan.
28:26At gagawa ka ng dalawang singsing na ginto, at mga ilalagay mo sa dalawang sulok ng pektoral sa laylayan niyaon na nasa dakong kabaligtaran ng epod.
28:27At gagawa ka ng dalawang singsing na ginto, at iyong mga ikakapit sa dalawang pangbalikat ng epod, sa dakong ibaba, sa harapan, na malapit sa pagkakasugpong sa ibabaw ng mainam na pagkayaring pamigkis ng epod.
28:28At kanilang itatali ang pektoral sa pamamagitan ng mga singsing niyaon sa mga singsing ng epod ng isang taling bughaw, upang mamalagi sa ibabaw ng mainam na pagkayaring pamigkis ng epod, at upang ang pektoral ay huwag makalag sa epod.
28:29At dadalhin ni Aaron sa kaniyang sinapupunan ang mga pangalan ng mga anak ni Israel na nasa pektoral ng kahatulan pagka siya'y pumapasok sa dakong banal, na pinakaalaala sa harap ng Panginoon, na palagi.
28:30At ilalagay mo sa pektoral ng kahatulan ang Urim at ang Tummim at mga ilalagay sa sinapupunan ni Aaron, pagka siya'y pumapasok sa harap ng Panginoon at dadalhing palagi ni Aaron sa harap ng Panginoon ang kahatulan sa mga anak ni Israel na nasa kaniyang sinapupunan.
28:31At gagawin mo ang balabal ng epod na taganas na bughaw.
28:32At magkakaroon ng isang pinakaleeg sa gitna niyaon: magkakaroon ito ng isang uriang tinahi sa palibot ng pinakaleeg, gaya ng butas ng isang koselete, upang huwag mapunit.
28:33At ang saya niyaon ay igagawa mo ng mga granadang bughaw, at kulay-ube, at pula, sa palibot ng saya niyaon; at ng mga kampanilyang ginto sa gitna ng mga yaon sa palibot:
28:34Isang kampanilyang ginto at isang granada, isang kampanilyang ginto at isang granada sa saya sa ibaba ng balabal sa palibot.
28:35At isusuot ni Aaron upang mangasiwa: at ang tunog niyao'y maririnig pagka siya'y pumapasok sa dakong banal sa harap ng Panginoon, at pagka siya'y lumalabas, upang siya'y huwag mamatay.
28:36At gagawa ka ng isang laminang taganas na ginto, at doo'y isusulat mong ukit na ayon sa ukit ng isang panatak, Banal sa Panginoon.
28:37At iyong ilalagay sa isang listong bughaw, at malalagay sa ibabaw ng mitra; sa ibabaw ng harapan ng mitra malalagay.
28:38At malalagay sa noo ni Aaron, at dadalhin ni Aaron ang kasamaan ng mga banal na bagay, na pakakabanalin ng mga anak ni Israel sa lahat nilang mga banal na kaloob; at malalagay na palagi sa kaniyang noo, upang tanggapin sa harap ng Panginoon.
28:39At iyong hahabihin ang kasuutan na anyong parisukat, na lino, at iyong gagawin ang mitra na lino, at iyong gagawin ang pamigkis na yari ng mangbuburda.
28:40At iyong igagawa ang mga anak ni Aaron ng mga kasuutan, at iyong igagawa sila ng mga pamigkis, at iyong igagawa sila ng mga tiara sa ikaluluwalhati at ikagaganda.
28:41At iyong isusuot kay Aarong iyong kapatid at sa kaniyang mga anak na kasama niya; at iyong papahiran ng langis sila, at iyong itatalaga sila, at iyong papagbanalin sila, upang sila'y makapangasiwa sa akin, sa katungkulang saserdote.
28:42At iyong igagawa sila ng mga salawal na lino, upang takpan ang laman ng kanilang kahubaran; mula sa mga balakang hanggang sa mga hita aabot.
28:43At isusuot ni Aaron at ng kaniyang mga anak, pagka sila'y pumapasok sa tabernakulo ng kapisanan, o pagka sila'y lumalapit sa dambana upang mangasiwa sa dakong banal; upang sila'y huwag magdala ng kasamaan, at huwag mamatay: magiging isang palatuntunang walang hanggan sa kaniya at sa kaniyang binhi pagkamatay niya.
29:1At ito ang bagay na iyong gagawin sa kanila na ibukod sila, upang sila'y mangasiwa sa akin sa katungkulang saserdote: kumuha ka ng isang guyang toro at ng dalawang lalaking tupang walang kapintasan.
29:2At tinapay na walang lebadura, at mga munting tinapay na walang lebadura na hinaluan ng langis, at mga manipis na tinapay na walang lebadura na pinahiran ng langis: na gagawin mo sa mainam na harina ng trigo.
29:3At iyong isisilid sa isang bakol, at dadalhin mo na nasa bakol, sangpu ng toro at ng dalawang tupang lalake.
29:4At si Aaron at ang kaniyang mga anak ay iyong dadalhin sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan, at iyong huhugasan sila ng tubig.
29:5At iyong kukunin ang mga kasuutan, at iyong isusuot kay Aaron ang tunika niya, at ang balabal ng epod, at ang epod, at ang pektoral, at bibigkisan mo ng mainam na pagkayaring pamigkis ng epod:
29:6At iyong ipuputong ang mitra sa kaniyang ulo, at ipapatong mo ang banal na korona sa mitra.
29:7Saka mo kukunin ang langis na pangpahid, at ibubuhos mo sa ibabaw ng kaniyang ulo, at papahiran mo ng langis siya.
29:8At iyong dadalhin ang kaniyang mga anak, at susuutan mo ng mga tunika sila.
29:9At iyong bibigkisan sila ng mga pamigkis, si Aaron at ang kaniyang mga anak, at itatali mo ang mga tiara sa kanikaniyang ulo: at tatamuhin nila ang pagkasaserdote na pinakapalatuntunang palagi: at iyong papagbabanalin si Aaron at ang kaniyang mga anak.
29:10At iyong dadalhin ang toro sa harap ng tabernakulo ng kapisanan: at ipapatong ni Aaron at ng kaniyang mga anak ang kanilang kamay sa ulo ng toro.
29:11At iyong papatayin ang toro sa harap ng Panginoon, sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan.
29:12At kukuha ka ng dugo ng toro, at ilalagay mo ng iyong daliri sa ibabaw ng mga anyong sungay ng dambana; at iyong ibubuhos ang lahat ng dugo sa paanan ng dambana.
29:13At kukunin mo ang buong taba na nakababalot sa bituka, at ang mga lamak ng atay, at ang dalawang bato, at ang taba na nasa ibabaw ng mga yaon, at susunugin mo sa ibabaw ng dambana.
29:14Datapuwa't ang laman ng toro, at ang balat, at ang dumi ay iyong susunugin sa apoy sa labas ng kampamento: handog nga dahil sa kasalanan.
29:15Kukunin mo rin ang isang lalaking tupa; at ipapatong ni Aaron at ng kaniyang mga anak ang kanilang kamay sa ulo ng lalaking tupa.
29:16At iyong papatayin ang lalaking tupa, at iyong kukunin ang dugo, at iyong iwiwisik sa palibot sa ibabaw ng dambana.
29:17At iyong kakatayin ang tupa at huhugasan mo ang bituka, at ang mga hita, at ipapatong mo sa mga pinagputolputol at sa ulo.
29:18At iyong susunugin ang buong tupa sa ibabaw ng dambana: handog na susunugin nga sa Panginoon; pinaka masarap na amoy na handog sa Panginoon, na pinaraan sa apoy.
29:19At kukunin mo ang isang tupa; at ipapatong ni Aaron at ng kaniyang mga anak ang kanilang kamay sa ulo ng tupa.
29:20Saka mo papatayin ang tupa, at kukunin mo ang dugo, at ilalagay mo sa pingol ng kanang tainga ni Aaron, at sa pingol ng kanang tainga ng kaniyang mga anak, at sa hinlalaki ng kanilang kanang kamay, at sa hinlalaki ng kanilang kanang paa, at iwiwisik mo ang dugong labis sa ibabaw ng dambana sa palibot.
29:21At kukuha ka ng dugo na nasa ibabaw ng dambana, at ng langis na pangpahid, at iwiwisik mo kay Aaron, at sa kaniyang mga suot, at sa kaniyang mga anak na kasama niya: at ikapapaging banal niya at ng kaniyang mga suot, at ng kaniyang mga anak, at ng mga suot ng kaniyang mga anak na kasama niya.
29:22Kukunin mo rin naman sa lalaking tupa ang taba, at ang matabang buntot, at ang tabang nakababalot sa mga bituka, at ang mga lamak ng atay, at ang dalawang bato, at ang taba na nasa ibabaw ng mga yaon, at ang kanang hita (sapagka't isang lalaking tupa na itinalaga),
29:23At isang malaking tinapay, at isang munting tinapay na nilangisan, at isang manipis na tinapay sa bakol ng tinapay na walang lebadura na nasa harap ng Panginoon:
29:24At iyong ilalagay ang kabuoan sa mga kamay ni Aaron, at sa mga kamay ng kaniyang mga anak; at iyong mga luluglugin na pinakahandog na niluglog sa harap ng Panginoon.
29:25At iyong kukunin sa kanilang mga kamay, at iyong susunugin sa dambana sa ibabaw ng handog na susunugin, na pinaka masarap na amoy sa harap ng Panginoon: handog nga sa Panginoon na pinaraan sa apoy.
29:26At kukunin mo ang dibdib ng tupa na itinalaga ni Aaron, at luglugin mo na pinakahandog na niluglog sa harap ng Panginoon: at magiging iyong bahagi.
29:27At iyong ihihiwalay ang dibdib ng handog na niluglog, at ang hita ng handog na itinaas, ang niluglog at ang itinaas, ng lalaking tupa na itinalaga na kay Aaron at sa kaniyang mga anak;
29:28At magiging kay Aaron at sa kaniyang mga anak, na pinaka bahagi magpakailan man, na mula sa mga anak ni Israel: sapagka't isang handog na itinaas: at magiging isang handog na itinaas sa ganang mga anak ni Israel, na kinuha sa kanilang mga hain tungkol sa kapayapaan: na dili iba't kanilang handog ngang itinaas sa Panginoon.
29:29At ang mga banal na kasuutan ni Aaron ay magiging sa kaniyang mga anak, pagkamatay niya, upang pahiran ng langis sa mga yaon, at upang italaga sa mga yaon.
29:30Pitong araw na isusuot ng anak na magiging saserdote nakahalili niya, pagka siya'y pumapasok sa tabernakulo ng kapisanan upang mangasiwa sa dakong banal.
29:31At kukunin mo ang lalaking tupa na itinalaga at lulutuin mo ang kaniyang laman sa dakong banal.
29:32At kakanin ni Aaron at ng kaniyang mga anak ang laman ng tupa, at ang tinapay na nasa bakol sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan.
29:33At kanilang kakanin ang mga bagay na yaon, na ipinangtubos ng sala, upang italaga at pakabanalin sila: datapuwa't hindi kakain niyaon ang sinomang taga ibang lupa, sapagka't mga bagay na banal.
29:34At kung may lumabis sa laman na itinalaga, o sa tinapay, hanggang sa kinaumagahan, ay iyo ngang susunugin sa apoy ang labis: hindi kakanin, sapagka't yao'y banal.
29:35At ganito mo gagawin kay Aaron, at sa kaniyang mga anak, ayon sa lahat na aking iniutos sa iyo: pitong araw na iyong itatalaga sila.
29:36At araw-araw ay maghahandog ka ng toro na pinakahandog, dahil sa kasalanan na pinakapangtubos: at iyong lilinisin ang dambana pagka iyong ipinanggagawa ng katubusan yaon; at iyong papahiran ng langis upang pakabanalin.
29:37Pitong araw na iyong tutubusin sa sala ang dambana, at iyong pakakabanalin; at ang dambana ay magiging kabanalbanalan; anomang masagi sa dambana ay magiging banal.
29:38Ito nga ang iyong ihahandog sa ibabaw ng dambana: dalawang kordero ng unang taon araw-araw na palagi.
29:39Ang isang kordero ay iyong ihahandog sa umaga; at ang isang kordero ay iyong ihahandog sa hapon:
29:40At kasama ng isang kordero na iyong ihahandog ang ikasangpung bahagi ng isang efa ng mainam na harina na may halong ikaapat na bahagi ng isang hin ng langis na hinalo; at ang ikaapat na bahagi ng isang hin na alak, ay pinakahandog na inumin.
29:41At ang isang kordero ay iyong ihahandog sa hapon, at iyong gagawin ayon sa handog na harina sa umaga, at ayon sa inuming handog niyaon, na pinaka masarap na amoy, na handog nga sa Panginoon na pinaraan sa apoy.
29:42Magiging isang palaging handog na susunugin sa buong panahon ng inyong lahi sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan, sa harap ng Panginoon; na aking pakikipagkitaan sa inyo, upang makipagusap ako roon sa iyo.
29:43At doo'y makikipagtagpo ako sa mga anak ni Israel: at ang Tolda ay pakakabanalin sa pamamagitan ng aking kaluwalhatian.
29:44At aking pakakabanalin ang tabernakulo ng kapisanan, at ang dambana; si Aaron man at ang kaniyang mga anak ay aking papagbabanalin upang mangasiwa sa akin sa katungkulang saserdote.
29:45At ako'y tatahan sa gitna ng mga anak ni Israel, at ako'y magiging kanilang Dios.
29:46At kanilang makikilala, na ako ang Panginoon nilang Dios, na kumuha sa kanila sa lupain ng Egipto, upang ako'y tumahan sa gitna nila: ako ang Panginoon nilang Dios.
8:1At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,
8:2Dalhin mo si Aaron at pati ng kaniyang mga anak, at ang mga kasuutan, at ang langis na pangpahid, at ang torong handog dahil sa kasalanan, at ang dalawang tupang lalake, at ang bakol ng mga tinapay na walang lebadura:
8:3At pulungin mo ang buong kapisanan sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan.
8:4At ginawa ni Moises ayon sa iniutos sa kaniya ng Panginoon; at nagpupulong ang kapisanan sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan.
8:5At sinabi ni Moises sa kapisanan, Ito ang ipinagawa ng Panginoon.
8:6At dinala ni Moises si Aaron at ang kaniyang mga anak, at hinugasan ng tubig.
8:7At isinuot sa kaniya ang kasuutan, at binigkisan ng pamigkis, at ibinalabal sa kaniya ang balabal, at sa kaniya'y ipinatong ang epod, at ibinigkis sa kaniya ang pamigkis ng epod na mainam ang pagkayari, at tinalian nito.
8:8At ipinatong sa kaniya ang pektoral: at inilagay sa loob ng pektoral ang Urim at ang Thummim.
8:9At ipinatong ang mitra sa kaniyang ulo; at ipinatong sa mitra sa harap, ang laminang ginto, ang banal na putong; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
8:10At kinuha ni Moises ang langis na pang-pahid, at pinahiran ang tabernakulo, at ang lahat ng nandoon, ay pinapaging banal.
8:11At winisikan niya niyaon ang ibabaw ng dambana na makapito, at pinahiran ng langis ang dambana at ang lahat ng kasangkapan niyaon, at ang hugasan at ang tungtungan niyaon, upang ariing banal.
8:12At binuhusan ng langis na pang-pahid ang ulo ni Aaron, at pinahiran niya ng langis siya upang papagbanalin.
8:13At pinalapit ni Moises ang mga anak ni Aaron, at sila'y sinuutan ng mga kasuutan, at binigkisan ng mga pamigkis, at itinali sa kanilang ulo ang mga tiara; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
8:14At kaniyang inilapit ang torong handog dahil sa kasalanan: at ipinatong ni Aaron at ng kaniyang mga anak ang mga kamay nila sa ulo ng torong handog dahil sa kasalanan.
8:15At pinatay niya; at kumuha si Moises ng dugo at ipinahid ng kaniyang daliri sa ibabaw ng mga anyong sungay ng dambana sa palibot, at nilinis ang dambana, at ang dugo'y ibinuhos sa tungtungan ng dambana, at inaring banal upang pagtubusan.
8:16At kinuha niya ang lahat ng taba na nasa ibabaw ng mga lamang loob, at ang lamad ng atay, at ang dalawang bato, at ang taba ng mga yaon, at sinunog ni Moises sa ibabaw ng dambana.
8:17Datapuwa't ang toro, at ang balat, at ang laman, at ang dumi, ay sinunog niya sa apoy sa labas ng kampamento; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
8:18At iniharap niya ang tupang lalake na handog na susunugin: at ipinatong ni Aaron at ng kaniyang mga anak ang mga kamay nila sa ulo ng tupa.
8:19At kaniyang pinatay yaon: at iniwisik ni Moises ang dugo sa ibabaw ng dambana sa palibot.
8:20At kinatay niya ang tupa; at sinunog ni Moises ang ulo, at ang mga putolputol, at ang taba.
8:21At kaniyang hinugasan sa tubig ang lamang loob at ang mga paa; at sinunog ni Moises ang buong tupa sa ibabaw ng dambana; handog na susunugin nga na pinakamasarap na amoy: handog nga sa Panginoon na pinaraan sa apoy; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
8:22At iniharap niya ang ikalawang tupa, ang tupa na itinatalaga: at ipinatong ni Aaron at ng kaniyang mga anak ang kanilang mga kamay sa ulo ng tupa.
8:23At kaniyang pinatay yaon; at kumuha si Moises ng dugo niyaon, at inilagay sa pingol ng kanang tainga ni Aaron, at sa daliring hinlalaki ng kaniyang kanang kamay, at sa daliring hinlalaki ng kaniyang kanang paa.
8:24At pinaharap niya ang mga anak ni Aaron, at nilagyan ni Moises ng dugong yaon sa pingol ng kanilang kanang tainga, at sa daliring hinlalaki ng kanang kamay nila, at sa daliring hinlalaki ng kanang paa nila: at iniwisik ni Moises ang dugo sa ibabaw ng dambana sa palibot.
8:25At kinuha niya ang taba, at ang matabang buntot, at ang lahat ng tabang nasa ibabaw ng lamang loob, at ang lamad ng atay, at ang dalawang bato, at ang taba ng mga yaon, at ang kanang hita:
8:26At sa bakol ng tinapay na walang lebadura na inilagay sa harap ng Panginoon, ay kumuha siya ng isang munting tinapay na walang lebadura, at ng isang munting tinapay na nilangisan at ng isang manipis na tinapay, at ipinaglalagay sa ibabaw ng taba at sa ibabaw ng kanang hita:
8:27At inilagay na lahat sa mga kamay ni Aaron at sa mga kamay ng kaniyang mga anak, at pinagaalog na pinakahandog na inalog sa harap ng Panginoon.
8:28At kinuha ni Moises sa kanilang mga kamay, at sinunog sa dambana sa ibabaw ng handog na susunugin: mga talagang pinakamasarap na amoy: handog nga sa Panginoon na pinaraan sa apoy.
8:29At kinuha ni Moises ang dibdib at inalog na pinakahandog na inalog sa harap ng Panginoon: ito ang bahagi ni Moises sa tupang itinalaga; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
8:30At kumuha si Moises ng langis na pang-pahid, at ng dugong nasa ibabaw ng dambana, at iniwisik kay Aaron, sa kaniyang mga suot, at sa kaniyang mga anak, at sa mga suot ng kaniyang mga anak na kasama niya; at pinapaging banal si Aaron at ang kaniyang mga suot, at ang kaniyang mga anak at ang mga suot ng kaniyang mga anak na kasama niya.
8:31At sinabi ni Moises kay Aaron at sa kaniyang mga anak, Pakuluan ninyo ang laman sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan: at doon ninyo kanin, at ang tinapay na nasa bakol ng itinatalaga, ayon sa iniutos ko, na sinasabi, Kakanin ni Aaron at ng kaniyang mga anak.
8:32At ang labis sa laman at sa tinapay ay susunugin ninyo sa apoy.
8:33At sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan ay huwag kayong lalabas na pitong araw, hanggang sa maganap ang mga kaarawan ng inyong pagtalaga: sapagka't pitong araw na kayo'y matatalaga.
8:34Kung paano ang ginawa sa araw na ito, ay gayon ang iniutos ng Panginoon na gawin upang itubos sa inyo.
8:35At sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan ay matitira kayo gabi't araw na pitong araw, at inyong tutuparin ang kautusan ng Panginoon, upang huwag kayong mamatay: sapagka't gayon ang iniutos ko.
8:36At ginawa ni Aaron at ng kaniyang mga anak ang lahat na iniutos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises.
Bago pa magsalita si Aaron, nagsalita na ang Diyos tungkol sa husay niyang magsalita. Marunong siyang magsalita. Matagal nang ipinapaliwanag ni Moises kung bakit hindi angkop ang sarili niyang bibig sa atas; ibang bibig ang itinuro sa sagot, pero hindi binawi ang kanyang tungkulin. Tulong si Aaron, hindi lusot. Pagkatapos, parehong kapatid ang saklaw ng pangako: sasamahan ng Diyos ang bibig ng bawat isa. Hindi sila ang iimbento ng mensahe.
May lambing ding tahasang nasa tagubilin. Papunta na si Aaron upang salubungin si Moises, at sinabi ng Diyos na matutuwa siya sa pagkikita. Nasa teksto ang halik sa bundok; hindi ito idinagdag na tagpo para magpatingkad ng damdamin. Bago humarap sa matatanda ang tagapagsalita, sinalubong muna ng isang kapatid ang kanyang kapatid.
Ang unang pananalita ni Aaron na naitala rito ay mensaheng tinanggap sa pamamagitan ni Moises. Lumampas sa dalawang lalaki ang tugon ng bayan: yumukod sila dahil dinalaw ng PANGINOON ang kanilang paghihirap. Nagampanan ng mahusay magsalita ang tungkulin nang hindi ginagawang paksa ang sarili.